Pumanaw na ang driver ni Samar Rep. Edgar Sarmiento na natagpuang walang malay sa loob ng kanyang minamanehong sasakyan kanina sa loob ng Batasan Complex.
Kinumpirma ni Rep. Sarmiento na binawian ng buhay ang kanyang driver na si Robert dela Cruz na na-suffocate sa loob ng kotse sa Kamara mga bandang alas otso ng gabi.
Pinagkaguluhan ng medical team ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si dela Cruz matapos hindi magising habang natutulog sa loob ng kotse sa Batasan Complex.
Itinakbo sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Dela Cruz, 40 anyos, at pitong taon nang driver ng Kongresista.
Sa panayam ng mga mamahayag kay Sarmiento, ala-una nang hapon nang ibaba siya ng kanyang driver sa South Wing Annex (SWA) Building kung saan dumalo ito sa mga pagdinig sa budget ng iba’t ibang departament ng gobyerno sa nasabingahensya.
Ani Sarmiento,hindi sumasagot si Dela Cruz nang tatawagan ito matapos mag-adjourn ang kanilang session dakong alas-sais y medya na ng gabi.
Natagpuan ang kotse ni Sarmiento na isang Mercedez Benz na may plakang WHZ-927 na nakaparada sa harap ng SWA building bago mag-alas-siyete kung saan bukas ang makina at aircon.
Nang silipin sa loob, natagpuan si Dela Cruz na natutulog sa driver’s seat at kahit anong gising na ginawa ay hindi ito tumutugon kaya napilitan ang ilang taga-Kongreso na basagin ang bintana ng sasakyan para mailabas ito.
Ilang minutong tinangkang i-revive si Dela Cruz ng mga medical staff ng Kamara subalit hindi ito nagigising kaya itinakbo na ito sa pagamutan.
Hindi masabi ng kongresista kung ilang oras na nasa loob ng kotse si Dela Cruz subalit kapansin-pansin na nakatutok sa lupa ang tambutso ng kotse dahil isinagad ang pagpaparada dito.