Driver ng isang Kongresista na-suffocate sa loob ng kotse sa Kamara

By Den Macaranas September 14, 2016 - 09:18 PM

Edgar Sarmiento
Inquirer photo

Nagkagulo sa South Wing Annex Building ng Batasan Pambansa Complex makaraang madiskubre na walang malay habang nasa loob ng sasakyan ang driver ni Samar Rep. Edgar Sarmiento.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa lugar, sinabi ni Sarmiento na pasado alas-sais ng gabi kanina nang tawagan niya sa cellphone ang kanyang driver na si Robert dela Cruz, 40-anyos.

Pero bigo ang mambabatas na makausap ang kanyang driver kaya nang matapos ang kanilang sesyon pasado alas-siyete ng gabi ay inutusan niya ang isa sa kanyang mga staff para hanapin ang driver na si dela Cruz.

Si dela Cruz ay natagpuang walang malay sa loob ng naka-lock na 2009 Mercedez Benz SUV na pag-aari ng mambabatas.

Ilang beses nilang kinatok ang bintana ng sasakyan pero hindi nagising si dela Cruz kaya nagpasya silang basagin na lamang ito.

Nang mabuksan ang sasakyan ay kaagad na dumating ang mga duty paramedics sa Batasan Complex at pilit nilang nirevive ang biktima pero nanatili itong hindi humihinga at walang malay.

Kaagad na isinugod sa ospital ang biktima sakay ng ambulansiya ng Kamara.

Kaagad na napansin ng security personnel na masyadong malapit sa pader ang tambutso ng sasakyan kaya malaki ang hinala nila na-suffocate ng carbon monoxide ang biktima.

TAGS: batasan complex, driver, edgar sarmiento, batasan complex, driver, edgar sarmiento

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.