ISIS sa Pilipinas hindi pa kumpirmado ayon sa AFP

By Isa Avendaño-Umali September 14, 2016 - 07:56 PM

Isis
Inquirer file photo

Tumanggi ang Armed Forces of the Philippines o AFP na kumpirmahin ang napabalitang presensya ng teroristang ISIS o Islamic State of Iraq and Syria sa Mindanao region.

Sa budget briefing ng House Appropriations Committee para sa panukalang 2017 budget ng Department of National Defense at attached agencies, tinanong ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque si AFP Chief of Staff Ricardo Visaya hinggil sa ISIS.

Ani Roque, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbanggit noon na nakapasok na ang ISIS sa Mindanao.

Subalit ayon kay Visaya, wala silang kumpirmadong impormasyon kaugnay sa presensya ng ISIS.

Mayroon umano silang natatanggap na report, na kailangan pa aniyang patotohanan.

Dagdag ni Visaya, bagama’t napaulat na nagpahayag ng alyansa ang Abu Sayyaf partikular ang lider na si Isnilon Hapilon sa ISIS ay wala naman daw deklarasyon ng acceptance mula sa international terrorist group.

Inamin naman ni Visaya na may napaslang na Moroccan, Indonesian at Malaysian sa Mindanao pero hindi na idinetalye ng AFP official ang rason sa likod ng pagpatay.

TAGS: AFP, Congress, ISIS, visaya, AFP, Congress, ISIS, visaya

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.