WAG KANG PIKON ni Jake Maderazo

jake 2NITONG nakaraang mga araw, binugbog tayo ng mga babala tungkol sa malakas na lindol sa West Valley fault. Pero mukhang mas delikado pa sa lindol ang nangyayari ngayon sa mass transport system ng gobyerno.

Alas-7 ng umaga nitong Sabado, ang LRT1 ay nagkaroon ng “runaway train.” Hindi gumana ang brake ng tren at patuloy na umandar kahit naka-red light na ang “signaling system” nito, dahilan para banggain nito ang isa pang tren. Sugatan ang operator nito sa braso.

Iniimbestigahan na raw ng pamunuan ng LRT1 kung human error ang insidente o palpak lang talaga ang “computer controlled signaling system” ng riles. Bumalik din ang serbisyo ng LRT1 makalipas ang anim na oras.

Mabuti na lang at Sabado nangyari ang insidente. Kung nagkataong working day, mas maraming pasahero ang madidisgrasya.

Naalala ko tuloy ang nangyari noong Agosto 13, 2014 nang lumagpas ang isang tren ng MRT3 sa kanto ng Taft Avenue station at 38 pasahero ang nasugatan.

Bakit nangyayari ang ganito sa MRT3 at LRT1? Hindi ba’t binabaha ito ng pera mula sa “Tuwid na Daan?” Hindi ba naglaan dito ng P11 bilyon para sa rehabilitasyon at maintenance nito.

Nitong Enero, tinaasan ng Department of Transportation and Communications ang pasahe sa MRT (P15 to P28), LRT-1 (P20 TO P30) at LRT-2 (P15 to P25). Dahil dito, hahakot ng P942 milyon ang LRT1 at LRT-2 samantalang P1.22 bilyon naman ang dagdag na kita ng MRT-3.

Kung ganito, bakit patuloy ang pagbangga, paghinto, at super bagal ng mga tren at hindi masolusyunan ang mga sira-sirang pasilidad gaya ng elevator at escalator?

Ito namang Korte Suprema dumagdag pa sa problema. Limang buwan na nitong inuupuan ang petisyon laban sa fare hike.

Lumilitaw tuloy na kaya nagtaas ng singil ang DOTC ay bilang preparasyon sa “privatization” o pagpasok ng “big business” sa riles kung saan may “garantisado ng gobyerno ang kanilang kita.”

Sa nakikita ko, ang direksyon ng Tuwid na Daan ay hindi lutasin ang mga problema sa mass transport system kundi ipasa ito sa pribadong sektor tulad sa LRT1 na nai-award na sa MVP-AYALA Group.

Nakalinya na rin ang LRT2 na balak ding i-bid sa 4th quarter ng taong ito. Maging ang MRT3 ay nakalinya na rin, umalma lang ang orihinal na may-ari nito na MRTC.

Naalala ko tuloy iyong arrangement ng MWSS noon sa dalawang concessionaire nila ng tubig. MWSS pa rin ang may-ari pero matapos ang kontrata, lima hanggang walong doble na ang itinaas ng singil sa tubig ng Manila Water (859%) at Maynilad (559%). Ganito rin ang tiyak na mangyayari sa pasahe ng MRT3-LRT1-LRT2 sa mga kontrata ng Tuwid na Daan.

Maliwanag na ang layunin ng privatization na ito ay para sa profit ng mga kakampi nilang big businesses at hindi para sa kapakanan ng publiko.

Hindi ba’t merong “regulatory risk guarantee” dito kung saan hindi malulugi ang papasok na mga negosyante? Tingnan niyo ang nangyayari sa Maynilad ngayon, lumalaban, dinemanda at pinagbabayad pa ang gobyerno dahil sa kanilang pagkalugi.

Binalewala na ba ng tuluyan ng Tuwid na Daan ang “public interest and welfare” ng mamamayang Pilipino? Ang ganito bang sunud-sunod na aksidente sa mga riles ay talagang pinabayaang lumubha upang ibandera nila ang “privatization” o pagpasok ng “big business?”

At ang mas nakakatakot ngunit magkakatotoo ang pagdoble-triple-pataas pa ng pasahe sa MRT3-LRT1-LRT2 sa mga susunod na panahon.

Read more...