Mismong si Kris Aquino na nagkumpirma na aalis na siya sa ABS-CBN matapos ang 22 taon niyang pananatili sa network.
Sa post sa kaniyang Instagram account, isinalaysay ni Kris ang naging pasya niya, kasabay ng pagkumpirma na gagawa siya ng proyekto sa APT Entertainment, Inc.
Sinabi ni Kris na noong July, nakipagpulong siya sa pamunuan ng Kapamilya network, at walang ibinigay sa kaniyang definite show o time frame kung kailan siya babalik sa programa.
Ani Kris, nauunawaan naman niya ito dahil galing siya sa mahabang pahinga. At sa showbiz, walang garantiya na agad kang mabibigyan ng proyekto o programa kapag nagmula ka sa isang mahabang bakasyon.
Kinumpirma ni Kris na sa ilalim ng APT ni Antonio Tuviera ang susunod niyang proyekto.
Pinasalamatan din ng actress/host ang ABS-CBN sa matagal na pananatili niya dito at nagpasalamat din sa magiging bago niyang pamilya sa APT.
Pansamantala, magbabakasyon muna si Kris kasama sina Joshua at Bimby dahil magiging busy na aniya ang mga susunod niyang buwan.