Pagpatay sa 5 magsasaka sa Nueva Ecija at Isabela, iimbestigahan ng DAR

 

Bumuo na si Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano ng mga legal teams upang imbestigahan ang pagpatay sa limang magsasaka sa Nueva Ecija at Isabela, at para na rin malaman kung may kinalaman ito sa agawan ng lupa.

Ayon kay Mariano, pamumunuan nina Undersecretary Luis Meinrado Mangulayan at Assistant Secretary Elmer Distor ng legal affairs office ng DAR ang mga fact-finding teams.

Bubuuin rin ng mga DAR regional directors, provincial agrarian reform officer at legal division chiefs, pati na ng mga kinatawan ng mga magsasaka ang mga nasabing grupo.

Noong September 3, pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan ang isang grupo ng mga magsasaka sa Barangay San Isidro sa Laur, Nueva Ecija.

Kinilala ang mga nasawi na sina Emerencia dela Rosa, Violeta Mercado, Eligio Barbado at Gaudencio Bagalay, na pawang namamahinga lamang matapos magtayo ng mga kubo sa lupang sakahan na hiniwalay mula sa Fort Magsaysay Military Reservation.

Samantala, noong September 7 naman, tatlong kalalakihan ang pumatay kay Ariel Diaz na pinuno ng Danggayan Dagiti Manalo (Dagami), sa kaniyang bukid sa bayan ng Delfin Albano sa Isabela.

Ang Dagami ay isang grupo na konektado sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Read more...