Official Gazette, pinutakti ng batikos dahil sa profile ni Ex-Pres. Marcos
Binaha ng katakut-takot na batikos at puna mula sa mga galit na netizens ang webpage ng Official Gazette, ang opisyal na online publication ng gobyerno makaraang mag-post ito ng larawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Facebook at lagyan ito ng caption na mistula umanong nagrerebisa sa kasaysayan.
Ang naturang larawan ay layunin sanang mabigyan ng kaukulang pagkilala o ‘tribute’ ang dating pangulo sa araw ng kanyang ika-99 na taong kaarawan kahapon, September 11.
Kasama ng larawan ni Marcos ang caption na naglalaman ng ‘profile’ ng yumaong pangulo mula nang ito’y magsilbi mula kongresista hanggang sa maging pangulo ng Pilipinas.
Gayunman, sa huling bahagi ng naturang caption isinasaad ang mga katagang – “Marcos was the first post independence president to be re-elected in 1969. In 1972, he declared Martial Law to suppress a communist insurgency and secessionism in Mindanao. In 1986, Marcos stepped down from the presidency to avoid bloodshed during the uprising that came to be known as People Power.”
Dahil sa naturang post, maraming mga netizens ang nagkomento sa mistulang pagtatangka umanong baguhin ang negatibong idinulot ng Martial Law na idineklara ni Marcos.
Marami rin ang nag-react sa mga bahagi ng caption na isinasaad na kusang-loob na bumaba sa puwesto ang dating pangulo ‘upang mapigilan ang pagdanak ng dugo o bloodshed’.
Dahil sa mga negatibong komento ng mga netizens, inalis ng Official Gazette ang mga katagang ‘to avoid bloodshed’ sa bahagi ng caption.
Gayunman, hindi pa rin nito napigil ang reaksyon mula sa mga galit na social media users.
Kahit pinalitan na, nagpatuloy pa rin ang pag-ani ng galit na komento ang naturang pangyayari mula sa mga netizens.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.