Dating Senadora Santiago, balik-ospital pero wala sa ICU
Itinanggi ng kampo ni dating Senadora Miriam Defensor-Santiago na siya ay nasa intensive care unit o ICU ng St. Lukes Medical Center, sa Bonifacio Global City, Taguig.
Ayon kay Mechel Santiago, daughter-in-law ni Santiago, totoong balik-ospital ang kanyang biyenan pero siya’y naka-confine sa isang pribadong kwatro sa naturang ospital, at hindi sa ICU taliwas sa mga naunang ulat.
Sa kasalukuyan ay patuloy aniya na ginagamot si Santiago na mayroong lung cancer.
Sinabi ni Mechel Santiago na umaasa ang kanilang buong pamilya ng paggaling ng dating Senadora.
Nagpapasalamat naman sa publiko ang pamilya Santiago dahil sa pagbibigay respeto sa kanilang privacy.
Aniya, nais iparating ni Santiago na mahal niya ang kanyang supporters at patuloy na nananalangin para sa kanyang paggaling.
Noong August 25, nauna nang nagpost sa Facebook ang mga kaanak Santiago ng update hinggil sa kanyang medical condition.
Sinabi nila na ibinibigay kay Santiago ang lahat ng ‘best possible available medications’ upang matiyak na siya’y gagaling at malalabanan ang kanser.
Ang mga gamot umano na ipinainom kay Santiago ay nakapagpagaling noon kay dating U.S. President Jimmy Carter.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.