Sa ginanap na press conference sa Davao International Airport, sinabi ng pangulo na magkakaroon pa ng mga kasunod na pambobomba dulot ng pagbawi ng mga bandidong grupo.
Hindi naglabas ng karagdagang detalye si Duterte kaugnay nito dahil sa ginagawang imbestigasyon at ito aniya ay isyu ng seguridad ng bansa.
Ang kinumpirang suspek ay nasa edad trenta na may balinkinitang pangangatawan at taas na 5’7” hanggang 5’8”.
Ayon naman kay Dela Rosa, mayroong isang paniniwala ang nasabing grupo at Abu Sayyaf group na parehong ka-alyansa ng ISIS.
Sa kabila ng pagkakakilala ng kapulisan sa taong nag-iwan ng bomba sa pinangyarihan ng pagsabog, hindi nito binanggit ang pangalan ng suspek dahil sa ginagawang imbestigasyon.
Bago ang ginawang pagsabog ng suspek, sinabi ni Dela Rosa na mayroon na itong terrorism and multiple murder charges.
Samantala, sinabi ni Duterte na titignan muna nito kung dapat pa din bang ganapin ang pag-host ng Association of Southeast Asian Nations sa Davao City sa susunod na taon.
Depende aniya ito sa seguridad ng Davao at pagbabatayan ang assessment reports mula sa AFP at PNP.