“Story of Governance”.
Ito ang magiging laman ng huling State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III mamayang hapon.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, kabilang sa magiging ‘highlights’ ng ika-anim at huling SONA ni PNoy ang paglalahad nito ng katuparan sa mga nauna niyang ipinangako sa kaniyang mga “boss”. Sinabi ni Coloma na ang sigurado ay maituturing na isang kasaysayan ang magaganap mamaya sa huling SONA ni PNoy.
Ayon sa Malacañang, magbibigay ng comprehensive report ang Pangulo sa kung paano nito tinupad ang kanyang mga pangako, gamit ang 16-point Social Contract sa mga Pilipino, at ang kanyang mga mekanismo sa pagpapaunlad ng bansa.
Tumanggi naman si Coloma na sabihin sa media kung gaano kahaba ang magiging SONA ni PNoy.
Samantala, mas mababang grado kaysa sa inaasahan ang ipinakitang performance sa ekonomiya, budget, kalusugan, at agrikultura ni Pangulong Aquino, sa kanyang ikalimang taon sa Pamahalaan.
Ito ay ayon sa mga tagapagsulong ng Coalition of Good Governance na Movement for Good Governance o MGG.
Binigyan ng gradong 5.9 si PNoy noong nakaraang taon-2014 sa sukatang 1-10 kung saan 10 ang pinakamataas.
Isa ang MGG sa sumusukat sa mga ginawa ng Pangulong Aquino gamit ang data-based assessment, at hindi lamang ito ibinase sa perception, impression, at mga anecdotes.
Ayon sa grupo, ginagawa ito gamit ang pag-track sa mga programang ipinanukala ni Pangulong Aquino kung napatupad ba o hindi, at upang malaman kung saan okay at may kakulangan sa mga programang ito.
Dagdag pa ng grupo, hindi nila layon ang pumuna sa mga ginagawa ng administrasyon, kundi upang masukat na rin kung saan maganda ang pamamahala, at kung ano ang kailangang pagtuunan ng pansin. Base sa report ngayong taong 2015, mas mababa sa minimum score na 7.5 ang grado ni PNoy, dahil sa mga pangako niyang hanggang ngayon ay hindi pa natutupad.
Pinangungunahan ng ekonomistang si Solita Monsod, ang nasabing grupo, kasama sina dating Finance Secretary Roberto de Ocampo ng Public Finance Institute of the Philippines, dating Finance Secretary Milwida Guevara ng Synergeia Foundation, dating election Commissioner Gus Lagman ng Transparency Organization, at dating Trade Undersecretary Ernesto Ordoñez ng Agriwatch./ Dona Dominguez-Cargullo, Stanley Gajete