Kumpirmadong nagsagawa ng ikalimang nuclear test ang North Korea kaya naitala ang 5.3 magnitude na pagyanig sa Pyongyang, Biyernes ng umaga.
Naitala ang magnitude 5.3 na pagyanig malapit sa Punggye-ri, Kilju County na parehong lokasyon kung saan isinagawa ang apat na naunang nuclear test ng NoKor.
Sa hiwalay na statement, sinabi ng north Korea na nagsagawa sila ng “nuclear warhead explosion” test.
Kinondena naman ng South Korea ang ginawa ng Pyongyang at sinabing posibleng ito na ang pinakamalakas na nuclear test ng NoKor.
May lakas umano na 10 kilotons ang pagsabog na dalawang beses ang lawak kumpara sa naunang mga nuclear test.
Bilang pagkumpara, sinabi ng Meteorological Administration ng South Korea na ang nuclear bomb na bumagsak noon sa Hiroshima ay may lakas na 15 kilotons.
Inaalam pa ng defense ministry ng South Korea kung naging matagumpay ang panibagong nuclear test.