Litrato ng mga Pilipinong pinatay ng mga sundalong Amerikano, inilabas ni Duterte sa ASEAN
Ginulat umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga delegado sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit nang ipakita nito ang mga litrato ng mga Pilipinong nasawi noong panahon ng pananakop ng Amerika.
Naiba umano ng direksyon ang talumpati ni Duterte nang bigla nitong tiradahin ang pamamaslang ng mga US military sa Pilipinas noong nasa ilalim pa ito ng kolonya ng Amerika.
Ito ay ayon mismo sa tatlong diplomats na nakapanayam ng Agence France-Presse, na nasaksihan mismo ang nasabing talumpati.
Ayon sa isang Indonesian delegate, sinabi ni Duterte na ang mga nasa litrato ay kaniyang mga ninuno na pinatay ng mga sundalong Amerikano, at sinabing “Why now we are talking about human rights.”
Inilarawan naman ng isa pang diplomat bilang “normal Duterte” ang talumpati ng pangulo.
Sa inilabas naman na pahayag ng Presidential Communications Office, kagustuhan ni Pangulong Duterte na bigyang diin ang “long historical view of human rights mindful of the atrocities against the ethnic people of Mindanao.”
Dagdag pa sa pahayag, kahit na patuloy na nirerespeto at sinusunod ng pamahalaan ang mga nakasaad sa Konstitusyon kaugnay sa paggalang sa due process at human rights, buo pa rin ang loob ng pangulo ang pagsugpo sa laganap na iligal na droga sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.