“Mas lumakas ang INC”-Zabala

Inquirer file photo

“Energized.”

Ito ang pakiramdam ngayon ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa pagdalo nila sa okasyon ng ika-101 taong anibersaryo ng kanilang samahang pangrelihiyon na ngayon ay nasa gitna ng malaking kontrobersiya.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Edwil Zabala, tagapagsalita ng INC na naging makahulugan ang mga binitiwang teksto sa kanila ng kanilang Tagapamahalang Pangkalahatan na si Eduardo V. Manalo sa kasagsagan ng kanilang Special Worship Service.

Nagbigay ito anya ng ibayong kalakasan.

Gayunman, hindi naman binanggit ni Zabala kung naging bahagi ng pahayag ni Manalo ang usapin ng pagkakatiwalag ng ilang mga ministro ng INC at maging ng kanyang mga kamag-anak na sina Tenny at Angel Manalo.

Paliwanag ni Zabala, lahat ng mga isyu na may kaugnayan sa mga ipinupukol na bintang laban sa kanilang kapatiran ay sasagutin nila sa tamang lugar at panahon.

“Mapapatunayan po namin sa tamang panahon na malinis ang Iglesia ni Cristo at ang liderato ni Kapatid Eduardo Manalo ay maayos po at nananatiling matatag ang Iglesia,” giit ni Zabala.

Samantala, nagdulot ng matinding trapiko sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) ang paggunita ng ika-101 na taong anibersaryo ng INC.

Apektado ng gridlock ng mga sasakyan ang northbound lane ng NLEX sa bahagi ng Marilao-Bocaue area na ikinairita ng maraming motorista.

Ayon sa MMDA at public information office ng NLEX, umaabot sa dalawang milyong mga miyembro ng INC ang dumagsa sa Ciudad de Victoria at sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan kung saan ginaganap ang iba’t ibang aktibidad kaugnay sa selebrasyon ng Iglesia ni Cristo.

Naging dahilan din ng matinding trapiko ang mga sasakyan ng mga dumalo sa okasyon na ipinarada sa kahabaan ng NLEX.

Hindi rin nakatulong ang binuksang counterflow sa southbound lane ng NLEX upang maibsan ang daloy ng trapiko.

Humingi naman ng dispensa si Zabala sa abalang idinulot ng okasyon sa mga motoristang bumabagtas sa NLEX.

“Una po humihingi po ako ng paumanhin, pagpasensyahan niyo na po, once a year lang naman po ang anibersaryo ng Iglesia ni Cristo. At saka ginawa po naman namin ang lahat ng pakikipagcoordinate sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan na makatutulong po para maiayos at mapabilis ang daloy ng trapiko.”/ Jay Dones 

 

Read more...