China muling nagtatayo ng mga isla sa Scarborough-DND
Iniutos ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na ilabas na ang mga litratong kanilang hawak na magpapatunay sa alegasyon nilang posibleng nagtatayo na ang China ng artificial islands sa Scarborough o Panatag Shoal.
Makikita sa mga inilabas na litrato ng Department of National Defense (DND) ang ilang mga barko ng China, at ang iba pa dito ay may kakayanang humukay ng buhangin na maaring gamitin sa island building.
Ayon kay DND spokesperson Arsenio Andolong, may sapat na dahilan ang Pilipinas para maniwalang ang kanilang presensya sa nasabing lugar ay hudyat ng pagsasagawa ng mga aktibidad sa Panatag Shoal.
Dahil dito, sinabi ni Andolong na magpapatuloy pa rin ang kanilang surveillance and monitoring sa nakababahalang presensya ng China sa naturang bahura.
Ang nasabing mga litrato ay nagpapakita ng ebidensya ng bagong konstruksyon ng China sa Panatag shoal.
Isang opisyal naman ng pamahalaan ang nagsabi na mismong si Lorenzana ang nag-utos na ilabas ang mga nasabing litrato, pati na rin ang isang mapa.
Sa ngayon ay nasa Vientiane, Laos si Lorenzana para sa ASEAN summit.
Wala namang naibigay na paliwanag ang DND kung bakit kahapon lamang ito inilabas na tyempo pang kasagsagan ng ASEAN summit, at dalawang araw matapos silang magpahayag ng pagkabahala sa presensya ng China sa lugar.
Nang tanungin naman si Presidential Spokesperson Ernesto Abella kung gaano nababahala ang bansa sa sitwasyong ito, sinabi niyang sapat na para ito ay i-anunsyo.
Gayunman, sinabi ni Abella na pinag-uusapan na ng China at Pilipinas ang nasabing isyu pero hindi na siya nagbigay ng detalye ukol dito.
Nitong linggo, iginiit ng China na wala silang inuumpisahang anumang konstruksyon sa bahura.
Ngunit ayon mismo kay Lorenzana, sakaling kumpirmahin ng China ang akusasyon ng Pilipinas, maghahain ang bansa ng opisyal na protesta laban dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.