Nasa mahigit isandaang katao kabilang na ang maraming bata ang isinugod sa pagamutan sa eastern Aleppo, Syria matapos magbagsak ng mga bomba na naglalaman ng nakalalasong kemikal na ‘chlorine’ ang mga fighters jets na suportado ang gobyerno ni Basher Al-Assad.
Ayon sa US-based Syrian American Medical Society, isa ang nasawi sa nasabing pambobomba sa pinakahuling ‘barrel bombing’ at chemical attack sa Sukkari, Aleppo na hawak ng mga rebelde.
Kabilang sa mga naospital matapos makalanghap ng ‘chlorine’ ay 37 bata at sampung kababaihan.
Karamihan sa mga naapektuhan ay nakaranas ng matinding hirap sa paghinga matapos makalanghap ng naturang kemikal.
Hanggang sa kasalukuyan, mariing itinatanggi ng gobyerno ng Syria na gumagamit sila ng chlorine gas sa kanilang military offensive.