INC members, hinamong magsalita alang-alang sa “katotohanan” at “katwiran”

July 26, 2015 - 07:39 AM

iglesia-ni-cristo
Inquirer file photo

“Alang-alang sa Iglesia, maging matapang at sabihin ninyo ang katotohanan tungkol sa mga tiwali sa kapatiran.”

Ito ang mensahe na inilabas sa mga Facebook account ng mga taga-suporta n Isaias Samson Jr., isa sa mga ministrong itiniwalag sa Iglesia ni Cristo (INC).

Si Samson ay lumantad sa media matapos aniyang siya ay makatakas kasama ang kanyang pamilya nitong nagdaang araw ng Huwebes.

Pinarunggitan din ni Samson ang mga tagapagsalita ng INC na “maging tagapagsalita ng Diyos at hindi ng aniya ay mga tiwali” sa kanilang samahang pang-relihiyon.

Si Samson ngayon ang lumalabas na pinakamatapang na boses na naglalantad ng aniya ay mga katiwalian, iregularidad at aniya ay paglabag na sa doktrina ng Iglesia.

Isa sa mga binanggit nito sa naunang panayam ng Radyo Inquirer ay tungkol sa aniya ay kuwestiyunableng paggamit ng salaping abuloy ng mga kasapi ng INC sa Amerika.

Ayon sa tagapagsalita ng INC na si Edwil Zabala, pinag-iisipan ng pamunuan ng INC ang pagsasampa ng kaso laban sa mga taong nag-aakusa at naninira sa pangalan ng Iglesia.

Ang gusot sa loob ng INC ay nasiwalat sa publiko nang lumabas sa You Tube ang pahayag ni Felix Nathaniel “Ka Angel” Manalo na nagsasabing “nanganganib ang kanilang buhay”.

Kasama sa You Tube post ang tinig ni Cristina “Ka Tenny” Manalo, balo ng dating Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC na si Eraño Manalo.

Sa natura ding post, inilantad ang umano’y pagdukot sa ilang ministro sa INC.

Ang paglantad ni Samson ay nagbigay diin sa sinasabing panggigipit sa ilang ministro sa INC.

Noong araw din na kumalat ang You Tube post, itiniwalag ang mga kapatid at ina ng kasalukuyang Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC na si Eduardo Manalo.

Sa kabila ng mga batikos sa INC ng mga mismong taong galing sa loob ng samahan, ang pagdiriwang ng ika-101 taong anibersaryo ng samahang pang-relihiyon ay nagpatuloy.

Sa Philippine Arena na tinukoy ni Ka Angel na isa sa ugat ng sigalot sa INC, napuno ang 55,000-seater ng mga kasapi para sa pagdiriwang.

Ang pagtitipon ay hindi lamang para sa anibersaryo kundi para ipakita ang pakikipag-kaisa sa pamunuan ng INC. / Gina Salcedo

TAGS: Iglesia ni Cristo, Radyo Inquirer, Iglesia ni Cristo, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.