Patay ang dalawang lalaki matapos magtangkang takasan ang police checkpoint sa La Loma, Quezon City.
Ayon kay Chief Inspector Rogelio Diaz, commander ng Quezon City police community precinct 3, sa halip na huminto ay mabilis na nilampasan ng dalawang suspek sakay ng kanilang tricycle ang checkpoint sa bahagi ng NS Amoranto.
Dahil dito, naghinala ang mga pulis kaya sinundan nila ang dalawa pero sa halip na huminto ay pinaputukan umano sila ng baril ng mga ito pagsapit sa bahagi ng Sto. Domingo at Samat streets.
Agad namang gumanti ng putok ng baril ang mga pulis kaya napatay ang dalawa.
Nakuha sa dalawang suspek ang dalawang kalibre .38 na baril.
Narekober rin sa mga suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu at isang plastik ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Lumabas din sa inisyal na imbestigasyon na mga hinihinalang akyat-bahay ang dalawang lalaki.
Naglilibot umano ang mga ito sa Barangay Sto. Domingo para maghanap ng target.