2 pulis na nagdala kina Odicta sa ospital, negatibo sa paraffin test

Inquirer file photo
Inquirer file photo

Nag-negatibo sa paraffin test ang dalawang pulis na nagdala sa hinihinalang drug lord na si Melvin Odicta at sa kaniyang asawa na si Meriam sa ospital matapos silang pagbabarilin ng isang suspek sa Aklan noong nakaraang linggo.

Ayon kay SPO1 Nida Gregas na tagapagsalita ng Special Investigation Task Group Odicta, lumabas rin sa resulta ng ballistic test na hindi tumugma ang 9mm na handgun na gamit ng dalawang pulis sa mga basyo na balang nakuha mula sa mag-asawang Odicta.

Isinagawa ang paraffin test sa dalawa upang malaman kung nagpaputok sila ng baril, sa pamamagitan ng gunpowder burns sa kanilang mga kamay, habang ginawa naman ang ballistic tests upang matukoy kung galing ba sa isang partikular na baril ang mga nakuhang bala sa crime scene.

Isinailalim sa mga nasabing tests ang dalawang pulis sa harap ng mga alegasyon ng mga abogado at kaanak ng mga Odicta na buhay pa ang dalawa bago sila isakay sa police patrol at dalhin sa ospital.

Ayon kasi sa isa sa mga abogado ng mga Odicta na si Atty. Gualberto Cataluña Jr., nagawa pa siyang tawagan ni Melvin ilang minuto pagkatapos silang mabaril.

Gayunman, sa kabila ng mga pangyayari nagdesisyon ang mga kaanak nina Odicta na hindi na wala na silang balak magsampa pa ng reklamo dahil gusto na lang nilang maging mapayapa ang lahat.

Read more...