Bahay ng mga ambassador, kabilang sa kinatok sa Oplan Tokhang sa Forbes Park

Inquirer Photo / Erika Sauler
Inquirer Photo / Erika Sauler

Pinasok na rin ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) at mga tauhan ng barangay ang dalawang exclusive subdivision sa Makati.

Tinawag pa ring Oplan Tokhang ang operasyon na isinagawa sa Magallanes Village at sa Forbes Park sa Makati.

Mas organisado at payapang tignan ang isinagawang Oplan Tokhang sa dalawang subdivision na gaya ng normal operasyon sa mahihirap na mga lugar, nilalapitan din ang mga bahay, at kinakausap ang taong magbubukas ng pinto.

Ang kaibahan nga lang, dahil parehong exclusive subdivision, karaniwang nagbubukas ng gate at nakakausap ng mga otoridad ay mga kasambahay.

Inquirer Photo / Erika Sauler

Unang binisita ng PNP ang mga bahay sa Magallanes village kung saan kasamang namahagi ng anti illegal drug campaign flyers ang Brgy Captain na si Armand Padilla.

Ayon kay SPD chief Tomas Apolinario, sa 198 na suspek sa drug watchlist ng Makati, wala sa mga ito ang mula sa Magallanes Village.

Unang hakbang pa lamang aniya ito ng kanilang Oplan Tokhang para makabuo ng magandang relasyon sa mga residente ng eklusibong subdibisyon.

Nilinaw din ni Apolinario na ang isinagawa nilang operasyon ay para ipabatid sa mga residente ng Magallanes ang kanilang kampanya kontra ilegal na droga.

Sunod na inikot at kinatok ng PNP ang mga bahay sa Forbes Park.

Kuha ni Mariel Cruz

Sinamahan ni Brgy Captain Evangeline Manotoc ang PNP na mangatok at mamahaginng flyers sa mga residente ng exclusive village.

Kabilang sa nakatok ang bahay ni dating NAMFREL Chairman Jose Concepcion at bahay ng Oman Ambassador to the Philippines pero kapwa sila wala sa bahay at kasambahay lamang ang sumalubong sa mga pulis.

Pinatuloy naman ni India Ambassador to Philippines Lalduhthlana Ralte sa kaniyang bahay si SPD chief Sr. Supt. Tomas Apolinario at ang chairman ng Barangay sa Forbes Park.

Kuha ni Mariel Cruz

Aabot sa limampung bahay ang nabigyan ng PNP ng flyers na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa anti illegal drugs campaign at mga numero na maaaring tawagan sakaling magkaroon ng emergency.

Una nang nagsagawa ng Oplan Tokhang ang PNP sa Urdaneta at San Lorenzo Village noong nakaraang buwan.

 

 


 

 

Read more...