Naval blockade sa Sulu, ipinatupad kasunod ng pinaigting na operasyon vs Abu Sayyaf Group

sulu-map-1Kasabay ng pinaigting na operasyon ng militar laban sa Abu Sayyaf sa Sulu, ipinatupad na rin ang naval blockade sa mga strategic areas sa lalawigan.

Ito ay upang maharang ang mga sympathizers ng Abu Sayyaf Group (ASG) na masuplayan sila ng pagkain at iba pang pangangailangan.

Ito sinabi ni Armed Forces of the Philippine (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla sa panayam ng Radyo Inquirer.

Ayon kay Padilla, aabot na sa 7,000 na tropa ng military ang nasa Sulu ngayon.

Wala naman aniyang naitatalang panibagong mga engwentro na nagaganap sa pagitan ng bandidong grupo at mga sundalo.

“More than 7,000 troops na ang nariyan na ngayon sa Sulu. Walang engkwentrong nagaganap nitong nakaraang mga araw,” ani Padilla.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng Philippine Navy na maliban sa pagharang sa suplay ng pagkain at iba pang gamit para sa ASG, layon din ng naval blockade na mapigilan ang Abu Sayyaf na makalayo at makalabas ng Sulu.

Ayon kay AFP public affairs office chief Col. Edgard Arevalo, sa ngayon mayroong nasa 481 na ASG Sa Sulu at Tawi-Tawi pero wala umano silang eksaktong bilang ng dami ng mga sympathizers at supporters ng bandidong grupo.

 

 

Read more...