“State of confusion sa gabinete” – sa ‘WAG KANG PIKON ni JAKE MADERAZO
Napapansin kong maraming mga sinasabi ang Pangulo na sa bandang huli ay kino-correct o kaya’y binabago ng ibat ibang mga Cabinet members. Sinasadya kaya ito o nagkakataon lamang.
Tulad kahapon, sino kaya ang nagsasabi ng totoo sa coverage ng “state of lawless violence ” o “lawlessness”. Sabi ni DIGONG, buong bansa, sabi ng kanyang Presidential Assistant na si Bong Go, Mindanao lang, Sabi ni Spokesman Ernie Abella, buong bansa pero sabi ni Defense Sec. Lorenzana, Mindanao lang. Sabi ni Communications Sec. Andanar, hindi pa raw nagdedeklara ng “State of Lawlessness noong umaga ng Sabado.. Pero kahapon sabay sila ni Presidential legal counsel Panelo at sinabing nationwide daw. Pagkatapos bumalik si Abella at sinabing “nationwide” na.
Kagabi, pinulong ni Digong ang kanyang Gabinete kasama si PNP chief de la Rosa para pag-usapan ang mga isyu t. Malamang dinesisyunan na rin ang “state of confusion” kahapon sa “state of lawless violence ”.
Maraming nang napapansin ang pabagu-bagong pahayag ng Pangulo sa mga isyu na sa dakong huli ay kinaklaro ng kanyang mga gabinete. Nariyan ang pagdoble ng sahod ng pulis at military, ang pagtanggal sa mga Presidential appointees ng agad-agad, ang pagkambyo sa isyu ng e-games, at marami pang iba.
Baka dumating ang araw ay di na siya paniniwalaan ng tao kung totoo nga ang kanyang sinasabi o at ng kanyang Gabinete.
*******
Alin ba ang tama, “State of lawlessness ” o “State of Lawless Violence” na parehong ginagamit ngayon.
Hanggang ngayon, nagkakaiba-iba ang paliwanag ng mga legal experts at di malaman kung si alin ang tama. Siyempre, Korte Suprema lamang ang magpapasya sa legalidad nito kung merong petisyon na isasampa tungkol dito.
Isa pang tanong, pareho ba ang kahulugan ng “State of Lawlessness” sa “State of lawless violence” na nakapaloob sa Konstitusyon? Nadulas lang kaya si Digong sa State of lawlessness o ito’y malalim niyang imbensyon? Naalala ko kasi ang imbensyong “complex crime of rebellion” noon ni Tita Cory at Drilon para ikulong si Enrile na sa dakong huli ay ibinasura ng Korte Suprema.
Kunsabagay, dalawang banta ang hinaharap ng bansa ngayon, ang Giyera laban sa ilegal na droga na sangkot pati mga corrupt na pulis at ang terorismo ng Abu Sayaff. At dito, target mismo si Presidente at ang kanyang Davao city.
Pero, para lamang maikumpara ninyo, noong April 2, 2003, may dalawang pagsabog sa Davao, Airport at Sasa wharf kung saan 38 ang namatay at daan-daan ang nasugatan. Noon ay mayor ng Davao si Pres. Duterte, pero ang idineklara ni PGMA ay “state of emergency” para sa Davao city lamang.
At siyempre, tanong natin, mas malala ang sitwasyon noong 2003 sa Davao city, bakit “nationwide” ang deklarasyon ngayon ni Digong?
Konektado kaya rito ang NBI operation nito lamang August 26 sa Rosario heights 3- Cotabato city kung saan muntik na nilang mahuli si Abdul Menap Mentang, suspect sa 2003 Davao bombing ? Si Mentang sy miyembro ng gunrunning syndicate at gumagawa ng mga “improvised explosive device”. Nakatakas ito sa NBI dragnet at matapos ang isang linggo ay naganap ang panibagong pagpapasabog gamit ang isang IED.
Abangan ang susunod na kabanata! (end)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.