Muling nagsagawa ng clearing operations ang Department of Public Service ng lungsod ng Maynila sa Tabora St. Divisoria, Maynila.
Aabot sa mahigit isandaang stalls ng mga illegal vendor ang pinaalis ng mga tauhan ng DPS dahil nakahambalang sa kalsada.
Ayon kay Francis Alday ng DPS, maaga nilang inabisuhan ang mga tindero sa isasagawang clearing operations.
Layunin aniya ng operasyon na malinis ang mismong kalsada sa Tabora St. para madaanan na ng mga sasakyan.
Nagdudulot kasi ng trapiko sa mga motorista ang mga stalls na nakapuwesto mismo sa kalsada dahilan para sumikip ang daanan lalo na sa mga araw na dagsa ang mga namimili.
Ayon pa kay Alday, tinarget sa isinagawang clearing operations ngayong araw ang Tabora Street pero sa mga susunod na araw ay magsasagawa sila ng kaparehong operasyon sa ilan pang kalsada sa Divisoria.
Sako-sakong basura naman ang nahakot sa nasabing clearing operations.
Isinakay naman sa trak ng DPS ang mga pinagbabaklas na stalls.
Clearing operations, isinagawa sa Tabora St., Divisoria, Maynila. @dzIQ990 pic.twitter.com/RFxWV74GdR
— Mariel Cruz (@iammarieelaine) September 5, 2016