2 taong gulang na bata, hinostage sa loob ng pampasaherong bus patungong Masbate
(UPDATE) Hinostage ng isang lalaking pasahero ang isang dalawang taong gulang na batag lalaki habang sakay sila ng isang pampasaherong bus na patungong Masbate.
Naganap ang hostage taking sa bahagi ng Oas, Albay na nagsimula alas 12:00 pa ng hatinggabi.
Kinilala ang suspek na si Daquila Balanon, residente ng Milagros, Masbate.
Armado ang suspek ng kutsilyo nang sapilitan nitong kunin ang 2-taong gulang na batang lalaki mula sa kaniyang ina na si Marlyn Malababa.
Isa sa mga kumausap na at sumusubok na kumbinsihin ang suspek na pakawalan ang bata ay si dating police chief at ngayon ay Oas Councilor Leopoldo Zaragoza.
Sa umpisa, nais lamang ng suspek na bumalik ng Maynila ang bus, pero kalaunan ay hiniling nitong maka-usap siya ng media.
Nais din ng hostage taker na mabigyan siya ng baril at partikular na humiling ng Visayan-speaking media practitioners.
Nagsisilbi ostage negotiator si Police Regional Office 5 Regional Director Chief Supt. Melvin Buenafe.
Makalipas ang walong oras, nailigtas na ang bata, at napasuko ang suspek.
Ayon kay police Chief Inspector Arthur Ramirez Gomez, tagapagsalita ng Albay PNP, nasa maayos ding kondisyon ang batang biktimana agad dinala sa Ligao Emergency Hospital para masuri.
Nailigtas ang bata matapos ipag-utos ni Buenafe na umakyat sa bus ang mga naka-sibilyang pulis at lokal na opisyal para iligtas ang biktima.
Nagawa ni Senior Insp. Domingo Tapel, hepe ng Oas Municipal Police Station na kumpiskahin ang kutsilyo ng suspek.
Maliban sa bata, hindi rin pinababa ng bus ng nasabing suspek ang dalawa pang pasahero na sina Rodelsa Escala at Mary Grace Escala na kapwa ligtas rin ang kalagayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.