Publiko dapat maging mapagmatyag sa ilalim ng state of lawlessness – De Lima
Nanawagan si Sen. Leila de Lima sa publiko na manatiling mapagmatyag at mapagbantay ngayong isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bansa sa “state of lalwess violence.”
Ayon sa senadora, bagaman may kapangyarihan ang pangulo na magdesisyon sa kung ano ang mabuting hakbang para sa sitwasyon, kailangan pa ring magbantay ng publiko sa gobyerno.
Ito aniya ay upang hindi ito magresulta sa paglabag o sa paglilimita sa kanilang kalayaan at karapatang pulitikal.
Para naman kay Albay Rep. Edcel Lagman, hindi na kailangan pang gawin ng pangulo ang ganitong deklarasyon dahil maari naman niyang gamitin o tawagin ang mga militar sakaling kailanganin kahit wala nito.
Pinawi naman ni Sen. Panfilo Lacson ang mga pagkabahala ng marami sa nasabing state of lawless violence na idineklara ng pangulo.
Ayon kay Lacson, walang dapat ipag-alala sa deklarasong ito at para mapawi ang mga kalituhan lalo na sa mga tagapagpatupad ng batas, iminungkahi niyang dapat magkaroon ng malinaw na alituntunin pati na rin sa publiko.
Bukod dito, suhestyon rin ni Lacson sa pangulo na bumili ng high-technology equipment para sa pagkalap ng mga intelligence information upang maiwasan ang ganitong sitwasyon.
Samantala, mariing itinanggi ni De Lima na naglabas siya ng pahayag na diskarte lamang ng administrasyong Duterte ang pagpapasabog sa Davao City upang magkaroon sila ng dahilan para magpatupad ng martial law.
Kumakalat kasi sa iba’t ibang social media sites ang umano’y pahayag niya na “It could be a strategy of Duterte forces to provide reason to declare Martial Law. Davao is not the safest place after all.”
Ayon kay De Lima, halatang ginamit ang malisyosong pahayag na ito upang magpakalat ng disinformation at para siya ay siraan.
Sa kaniyang pagdedeklara ng state of lawlessness, agad na nilinaw ni Duterte na walang martial law na magaganap at hindi sususpindehin ang habeas corpus.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.