Giit ng pangulo, una na siyang nagpahiwatig ng pagnanais na makausap ang grupo para sa kapayapaan, ngunit dahil sa ginawa ng mga ito, wala na siyang magagawa kundi ang iutos ang pag-ubos sa kanilang grupo.
Ayon kay Duterte, bagaman may mga kailangang isakripisyo, kailangang harapin na agad ang problema ng terorismo.
Kung kinakailangan niya aniyang kuhanin ang serbisyo ng Gurkha fighters ay gagawin niya ito para lamang maubos na nang tuluyan ang Abu Sayyaf.
Una nang sinabi ni Duterte na dapat nang pulbusin ang Abu Sayyaf matapos nitong pugutan ng ulo ang bihag nitong 18-anyos sa Sulu.
Matatandaang nagdeklara si Pangulong Duterte ng state of lawless violence ilang oras matapos ang pambobomba sa Davao na ikinasawi ng 14 katao at ikinasugat ng mahigit sa 60.
Sa pamamagitan ng deklarasyong ito, mas mapapaigting ang presensya ng pulisya at militar para magbantay at lumaban sa terorismo.