Malacañang sa mga Pinoy: ‘Wag matakot, pero maging listo

Martin-Andanar-file-0711Matapos ang madugong pagpapasabog sa Davao City, pinayuhan ng Malacañang ang mga Pilipino na huwag matakot, pero manatilong listo o alerto.

Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, dapat lang na ipagpatuloy ng publiko ang kanilang buhay habang tumutulong sa otoridad sa pamamagitan ng pagsusumbong ng mga kahina-hinalang aktibidad.

Aniya pa, ngayong walang mukha ang kaaway, ang pinakamagandang gawin ay magkaisa ang pamahalaan at mga mamamayan.

Ang laban aniya sa mga terorista ay laban rin ng buong bansa.

Dagdag pa ng kalihim, ang mga terorismo ay nangyayari sa mga hindi inaasahang pagkakataon, kaya kailangan lang na mag-ingat.

Nang tanungin naman si Andanar kung may kinalaman ang pagpapasabog sa Davao sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga, sinabi niyang hindi naman maipagkakailang may mga kaaway na drug lords ang pangulo na may sapat na pondo.

Bagaman laging kasama ang mga drug lords sa mga hinihinalang suspek, sa pagkakataong ito, naniniwala si Duterte na mas malaki ang posibilidad na terorista talaga ang nasa likod nito.

Sa huli, nanawagan si Andanar sa publiko na huwag matakot at itigil ang pamumuhay ng maayos dahil kung ganito ang mangyayari, iisipin ng mga terorista na sila na ang nanalo.

Read more...