Sa harap ng nangyaring pambobomba sa Davao City Night Market noong Biyernes ng gabi, inamin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nakakatanggap sila ng mga report sa mga posibleng terror attacks sa mga matataong lugar lalo na sa Maynila, Cebu at Davao.
Sinabi ni Lorenzana na ang posibleng pag-atake ng Abu Sayyaf Group sa mga mataong lugar ay nagsisilbing istratehiya nito kontra sa all-out war na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi rin ng Defense Secretary na ang pagbibigay ng monetary ransom kapalit ng mga hawak na bihag ay makakapagbigay lamang ng lakas para sa bandidong grupo.
Hindi pa rin aniya kinakailangang bigyan ng emergency powers si Duterte kaugnay sa nangyaring insidente
Ngunit, nagpakita ng suporta sila Senator Panfilo Lacson, Paolo Benigno Aquino IV at Vicente Sotto II sa pagbibigay ng dagdag na emergency powers sa pangulo upang matigil na ang mga karumaldumal na akto ng ASG.
Ayon sa mga senador, ang emergency powers ang makakatulong kay Duterte na mas epektibong ma-kontrol ang mga terror attack threat maging ang ibang mabibigat na problema ng bansa kaugnay sa ilegal na droga.
Kaugnay naman sa laban ng militar sa ASG, hindi itinanggi ni Armed Forces Chief General Ricardo Visaya na maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga masasawi sa labanang ito ngunit hindi umano titigil ang militar hangga’t hindi napapabagsak ang bandidiong grupo.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, naka-pokus ang pangulo sa pagsisigurong maalis ang mga pag-atake ng asg sa madaling panahon kung saan binigyan ni Duterte si Visaya na tapusin ang laban sa loob ng anim na buwan.
Kamakailan, personal na dumalo si Duterte sa lamay ng mga sundalong nasawi upang magpakita ng pakikiramay at nagbitaw ng pangakong pinansiyal na suporta sa mga naiwang pamilya.