Nanawagan ang Malacañang sa mga magsasagawa ng mga protesta sa araw ng huling State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III na sikaping maging payapa ang pagtitipon.
“Kasama yan sa demokrasya pero sana ay makipagkaisa sa mga otoridad sa pananatili ng kapayapaan at para rin iyon sa kanilang kaligtasan,” ito ang pakiusap ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Malaking bilang ng mga raliyista lalo na sa hanay ng mga militanteng grupo ang inaasahang magtutungo sa Commonwealth Avenue para sa huling SONA ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), wala mang pormal na sagot ang Quezon City local government sa kanilang kahilingan para sa rally permit ay walang pipigil sa kanila para magtungo sa Commonwealth para magpahayag ng kanilang damdamin laban sa Aquino Administration.
“Hindi labag sa batas ang aming gagawing kilos-protesta kaya tuloy ang aming martsa at palatuntunan,”ani Reyes.
Sinabi ni Reyes na sisikapin nilang makalapit sa Batasan Road ngunit isang lingo bago ang huling SONA ng pangulo ay naka-porma na ang mga gagamiting barikada para hindi makapasok ang mga raliyista malapit sa Batasan. Ang mga naturang barikada ani Reyes ang siyang akto ng paglabag sa kanilang karapatan ayon sa Saligang Batas./Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.