Narekober ng mga otoridad ang isang hinihinalang shrapnel sa lugar kung saan nangyari ang pagsabog sa night market sa Davao City kung saan hindi bababa sa 14 ang patay habang mahigit 60 ang sugatan.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na posibleng isang mortar-based improvised explosive device ang ginamit sa pagpapasabog.
Gayunman dahil patuloy pa rin ang imbestigasyon, masyado pa rin aniyang maaga para tukuyin na isang IED nga talaga ang ginamit sa pag-atake.
Sa panayam naman ng Al Jazeera kay Dr. Leopoldo Vega ng Southern Philippine Medical Center sa Davao City, lahat ng mga nasawi ay nagtamo ng “multiple shrapnel injuries.”
Lahat rin umano ng mga nasugatan na kanilang sinuri ay tinamaan ng mga shrapnels sa iba’t ibang bahagi ng katawan.