Mga artistang sikat, laos at papasibol pa lang kabilang sa minomonitor ng PDEA
Ilang showbiz personalities na gumagamit umano ng ipinagbabawal na gamot ang binabantayan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PDEA-National Capital Region (NCR) Director Wilkins Villanueva na may mga footages sila na nagtuturo sa ilang taga-showbiz na gumagamit ng ilegal na droga.
Ani Villanueva, resulta ito ng pagbabantay nila sa mga condominium unit na ginagamit na bentahan ng mga party drugs.
Sa isinasagawang surveillance ng PDEA, aabot aniya sa 20 hanggang 30 sasakyan kada araw ang pumupunta sa mga condo unit na ito para kumuha ng suplay ng droga.
At ang mga nasabing sasakyan ayon kay Villanueva ay nagawang subaybayan ng PDEA.
Lumilitaw ayon kay Villanueva sa isinagawa nilang backtracking na ilan sa mga sasakyan ay pag-aari ng ilang artista.
Ani Villanueva, ilan sa mga natukoy nila ay mga sikat, laos na, at papasibol pa lamang.
“May mga footages kami na nagpo-point na may ginagawa sila, ‘yung mga pumupunta ng condo, sa isang araw about 20 or 30 yan, identified natin ang sasakyan pati mga tao, at nasusundan natin ang mga sasakyan na ‘yan, nasusubaybayan. Apparently may mga artistang tumbok sa backtracking natin. May mga artistang regular, may mga nalaos na merong mga sumisibol pa lang,” Ayon kay Villanueva.
Kasabay nito, sinabi ni Villanueva na makabubuting gawing regular ng mga TV networks ang pagpapasailalim sa drug test sa kanilang mga talent.
Hindi naman kasi aniya maitatanggi na talagang bugbog sa trabaho ang mga showbiz personalities lalo na sa puyat sa taping kaya ilan sa kanila ay nagdedesisyong gumamit ng droga para malabanan ang pagod at puyat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.