May nakitang probable cause ang Office of the Ombudsman para litisin si Retired Major General Jovito Palparan kaugnay ng kidnapping at serious illegal detention sa Manalo brothers.
Sa resolusyon ng Ombudsman, nahaharap si Palparan at walong iba pa sa two counts ng kidnapping at serious illegal detention sa ilalim ng revised penal code.
Ang tinaguriang “butcher” na si Palparan ay inakusahan dahil sa pag-aresto nito sa mga magsasakang sina Reynaldo at Raymond Manalo noong February 14, 2006 sa San Ildefonso, Bulacan dahil pinaghihinalaan ang dalawa na mga miyemrbo ng New People’s Army (NPA).
Kinulong at tinorture ang magkapatid na Manalo hanggang sa makatakas sila noong August 13, 2007.
Mukod sa kasong kriminal ay may administrative liability din si Palparan at mga kapwa-akusado nito para sa grave misconduct.
Kasama ring napatunayan na dapat managot sa kasong administratibo at pinatawan ng pagkakasibak sa serbisyo ay sina T/Msgt. Rizal Hilario, M/Sgt. Donald Caigas, at ang mga CAFGU Active Auxiliaries (CAAs) na sina Michael Dela Cruz, Marcelo Dela Cruz, Jose Dela Cruz, Maximo Dela Cruz, Randy Mendoza, Roman Dela Cruz at Rudy Mendoza.
Samantala kaugnay pa rin sa parehong kaso, pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Hermogenes Esperon Jr. dahil sa kakulangan ng ebidensya./ Dona Dominguez-Cargullo