Banta ng ASG kay Duterte-“Kami na susugod sa mga sundalo”
Simula ngayong buwan, ang Abu Sayyaf Group na umano ang susugod sa mga lugar ng mga sundalo sa lalawigan ng Sulu.
Ito ang nilamaman ng mga text message ni Abu Sayyaf spokesperson Alhabsi Misaya na ipinakalat ng bandidong grupo sa lalawigan.
Sa naturang mga text na ipinadala sa Inquirer, sinabi ni Misaya na simula September 1, masusubukan ang mga sundalo ni Pangulong Duterte sa pakikidigma sa tinawag pa nitong ‘huling laban sa Patikul’.
Banta pa nito, kung hindi sila sasalakayin ng mga sundalo ay sila na mismo ang mangunguna sa pag-atake.
Handa umano ang nasa isanlibong miyembro ng Abu Sayyaf na maglunsad ng ‘jihad’ o holy war laban sa mga ‘sundalo ni Duterte’.
Si Misaya ay kabilang sa grupo ni Radulan Sahiron.
Gayunman, naniniwala naman si Lt. General Mayoralgo De Jesus, hepe ng Western Mindanao Command na bahagi lamang ng taktika ng kalaban ang naturang mga text message.
Hamon pa nito sa Abu Sayyaf, pumili ng lugar na kung saan nila nais na makipagbakbakan at haharapin sila ng mga sundalo ng AFP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.