Inamin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na patuloy na nakakapasok ang mga kontrabando sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City sa kabila nang mahigpit na pagbabantay ng mga tauhan ng PNP Special Action Force (PNP-SAF).
Ibinahagi ni Aguirre sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na nagugulat na lang ang SAF commandos dahil patuloy silang nakakakuha ng cellphones lalo na sa Bulding 14 kung saan naroon ang mga high-profile prisoners.
Kabilang aniya sa nahulihan nila ng cellphone ay ang convicted drug lord na si Peter Co na inukit sa kanyang tsinelas ang cellphone at charger.
Dagdag pa nito, isang reporter ang patuloy na nakakausap ang kanyang asset na nasa loob ng pambansang piitan sa pamamagitan ng cellphones.
Pag-amin pa ng Kalihim, kailangan na mapalitan ng mas malalakas na signal jammer ang mga nakalagay sa Bilibid para maputol na ang transaksyon ng mga kilalang preso.
Noong nakaraang linggo, iginiit ni PNP Chief Bato Dela Rosa na wala ng mga kontrabando na nakakapasok sa Bilibid dahil sa sobrang higpit na pagbabantay ng SAF commandos, bagay na nagtulak kay Sen. Panfilo
Lacson na hamunin siya sa pahayag niyang ito.