Itiniwalag na minister, nanindigang may katiwalian sa INC

Isaias-Samson via tarra
Kuha ni Tarra Quismundo/PDI

Handang patunayan ni Isaias Samson Jr. ang mga sinasabi niyang katiwalian sa Iglesia ni Cristo o INC.

Pinabulaanan din niya ang pahayag ng tagapagsalita ng Iglesia ni Cristo na si Edwil Zabala na “orchestrated” ang kanilang naging aksiyon ni Angel Manalo. “Paano nila masasabi na orchestrated ‘yan, e samantalang sila ang nagsimula. Ikinulong nila ako sa aking tirahan kasama ang aking pamilya sa loob ng isang linggong mahigit,” ayon kay Samson.

Si Samson ay isa sa mga senior ministers ng INC na una nang nagsalita sa media at nagsabing siya ay isinailalim sa house arrest bago siya nakatakas kahapon, araw ng Huwebes, ika-23 ng Hulyo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Samson na matagal na niyang binabanggit sa pamamahala at sa mismong Sanggunian ng INC ang mga umanoy katiwalian sa INC.

Binanggit ni Samson na isa sa dapat na silipin at ipaliwanag ay ang umano’y maling ‘handling’ ng abuloy ng mga miyembro ng INC sa America.

Ayon kay Samson, ang mga nakukulektang pera sa mga pagsamba sa America ay agad pinapapalitan ng tig $100. Maling proseso aniya ito dahil sinabi ni Samson na kailangang ihulog muna sa bangko ang mga nakukulektang abuloy para magkaroon ng record. Kaya niya umano itong patotohanan dahil sa siya bukod sa pagiging dating miyembro ng sanggunian ay naging pinuno din ng siya ng overseas mission.

“Ang buong Sanggunian, sinabihan ko na sila dati pa tungkol sa katiwalian. Ang sabi ni Radel Cortez, hindi daw totoo. ‘Yung ginagawa nila sa Amerika pagkatapos na pagkatapos ng samba ay kinukuha agad ang pera at pinapapalitan, inuutusan ang mga may tungkulin sa pananalapi na palitan agad ng tig-100 dollar bill. Samantalang ang abuloy na iyon ay kailangang ihulog muna sa bangko at magkaroon muna ng record, hindi lang para sa record ng iglesia kundi para pagdating ng araw ay mayroong malinis na IRS. Yan ay isang open book sa Amerika,” ayon kay Samson

Sinabi ni Samson na mahirap ang kalagayan niya at ng iba pang mga ministrong gustong maglantad ng katiwalian dahil mismong mga liderato ang sangkot sa kanilang akusasyon.

Inamin ni Samson na nagtatago ngayon na isa sa pinag-iisipan niya ay ang huling ng asylum sa Amerika. Ani Samson nagtatago siya ngayon at ang kaniyang pamilya matapos tumakas dahil nanganganib ang kanyang buhay./Jimmy Tamayo, Dona Dominguez-Cargullo, Gina Salcedo

Read more...