5-taong gulang na nadamay sa drug war, inilibing na

 

Ray Zambrano/ Inquirer Northern Luzon

Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang limang taong gulang na bata na nadamay sa pamamaril ng isang salarin na ang tunay na target sana ng pamamaril ay ang lolo nito kahapon sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa kabila ng hanggang tuhod na baha, nasa 150 mga kapitbahay at mga kaibigan ng biktimang si Danica Mae Garcia ang dumalo sa libing sa pampublikong smenteryo sa bayan ng Dagupan City.

Ang batang biktima ay nasawi makaraang pasukin ng hindi nakilalang suspek ang kanilang karinderya sa Bgy. Mayombo, Dagupan City noong August 23 at walang habas na nagpaputok ng baril.

Target ng pamamaril ang lolo ng biktima na si Maximo Garcia na tinamaan ng bala sa kanyang tiyan.

Gayunman, tinamaan din ng ligaw na bala ang ang bata na tinamaan sa kanyang ulo.

Dahil sa pinaigting na kampanya ng Duterte administration, tumaas ang mga insidente ng mga extra-judicial killings sa bansa.

Isa si Danica sa mga nakapukaw ng atensyon ng lokal at international media dahil nadamay ito sa karahasan sa gitna ng kaliwa’t-kanang pamamaslang sa mga hinihinalang tulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

 

 

Read more...