Drug matrix ni Duterte, hindi galing sa DOJ – Aguirre

 

Nilinaw ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na hindi sa kanila nanggaling ang ibinunyag na drug matrix ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uugnay kay Sen. Leila de Lima sa kalakalan ng iligal na droga.

Sa kasagasagan ng pagdinig sa Kamara ng panukalang P15.017 bilyong budget, tinanong ni Kabayan Rep. Harry Roque si Aguirre kaugnay sa drug matrix na kinasangkutan nina De Lima at ng kaniyang driver at umano’y karelasyon na si Ronnie Dayan.

Ayon kay Aguirre, nagsasagawa ng sarili nilang imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) tungkol sa kalakalan ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Bagaman hindi aniya sa kanila nanggaling ang matrix na hawak ng pangulo, maari naman nila itong patunayan.

Samantala, tinanong rin ni Roque si Aguirre kaugnay sa one percent na conviction rate ng DOJ sa mga kasong may kinalaman sa extrajudicial killings.

Ani Aguirre, sa kanilang huling tala ay mayroong 11 percent na conviction rate sa extrajudicial killings cases.

Gayunman, iminungkahi rin ni Aguirre na sana ay magkaroon sila ng hiwalay na opisina para sa pag-uusig sa mga kasong may kinalaman sa extrajudicial killings.

Inalis kasi ng Kongreso ang unang nailaan na P100 milyong budget para dito sa National Expenditure Program.

Read more...