Number coding irerekumendang gawing 24-oras na

 

INQUIRER FILE PHOTO / NIÑO JESUS ORBETA
INQUIRER FILE PHOTO / NIÑO JESUS ORBETA

Itutulak ng Minorya sa Kamara na gawing bente-kwatro oras ang pagpapatupad ng number coding scheme.

Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, irerekumenda ng Minorya na maisama ito sa probisyon ng ipagkakaloob na emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte, para maresolba ang mala-delubyong trapiko sa Metro Manila.

Paliwanag ni Suarez, sa 24-hours na pagpapairal ng number coding, aalisin na ang window hours mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon, upang matiyak na mababawasan ang mga sasakyan sa mga lansangan.

Giit ni Suarez, kailangang magsakripisyo ang lahat dahil sa bangungot na dulot ng malalang traffic araw-araw.

Inamin ng Mambabatas na batid niyang maraming magagalit sa pinalutang niyang hakbang, pero pansamantala lamang daw ito upang mapabilis ang pagkumpleto sa pang-matagalang solusyon sa problema.

Kasama aniya rito ang ikakasang elevated underground at ground level na mass transit sa Kalakhang Maynila.

Matatandaang iminungkahi na ng grupo ni Suarez ang “No Garage-No Car; No Plate-No New Car at No Income Tax Return-No New Plate” policies bilang kasagutan sa traffic crisis.

Read more...