Cayetano at de Lima sumalang sa interview ni Christiane Amanpour ng CNN

By Den Macaranas August 31, 2016 - 08:22 PM

Cayetano cnnMagkasunod na kinapanayam ni CNN Chief International Correspondent Christiane Amanpour sina Sen. Alan Cayetano at Leila de Lima.

Naging sentro ng pag-uusap ang mga kaso ng extra judicial killings at anti-drug operations ng pamahalaan sa bansa.

Tinanong ni Amanpour si Cayetano na kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa kalagayan ng operasyon ng gobyerno laban sa droga.

Sinabi ni Cayetano na ang bilang ng mga namamatay sa mga operasyon ng pulisya ay maihahalintulad lamang sa bilang din ng mga namatay noong panahon nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Noynoy Aquino.

Ipinaliwanag pa ng mambabatas na sinisiraan lamang ng mga kritiko si Duterte sabay ang paghamon sa ilang international organizations na pumunta sa Pilipinas para makita ang tunay na sitwasyon sa kampanya ng pamahalaan kontra droga.

Tinanong din siya ng CNN anchor kung bakit mismong ang pinuno ng Philippine National Police ang nag-utos sa mga suspected users at pushers na patayin o kaya ay sunugin nila ang mga bahay ng kanilang mga kilalang drug lords.

Sinagot ito ni Cayetano sa pagsasabing nag-sorry na si PNP Chief Bato dela Rosa sa kanyang naging pahayag sa isyu.

Sa kanyang pagtatanong kay Sen. Leila de Lima  ay kaagad na sinabi ito na mali ang mga balitang inilalabas ng pamahalaan laban sa kanya.

Ayon kay de Lima, totoong nakakabahala na sa bansa ang bilang ng mga pinapatay na personalidad na hindi naman daw tiyak kung talagang sangkot nga sila sa illegal drugs.

Ipinaliwanag rin ng mambabatas na kaya sila pinag-iinitan ng pangulo ay dahil gusto nitong maghiganti sa kanya.

Sinabi ni de Lima na hindi nagustuhan ni Duterte nang isailalim siya sa imbestigasyon noon ng Department of Justice dahil sa mga report na siya ang utak ng kilabot na Davao Death Squad.

Sa huli, sinabi ni Amanpour na imposibleng matapos ng pamahalaan ang kanilang kampanya laban sa droga sa maiksing panahon lamang.

Inihalimbawa nito ang nangyayari sa Mexico kung saan ay inabot na ng kung ilang dekada ang kanilang kampanya kontra illegal drugs pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagtatagumpay.

 

de lima cnn

TAGS: amanpour, Cayetano, CNN, de lima, amanpour, Cayetano, CNN, de lima

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.