Hindi lahat ng bumoto kay Duterte ay pabor sa Marcos hero’s burial ayon kay Colmenares

By Erwin Aguilon August 31, 2016 - 03:37 PM

neri-colmenares
Inquirer file photo

Iginiit ni dating Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares na ang mga bayani lamang ang dapat bigyan ng pagkilala dahil sa kanilang ibinigay na inspirasyon sa mga mamamayan.

Ito ang tugon ni Colmenares sa pagtatanong ni Associate Justice Jose Perez sa tanong kung sino ang maaring matawag na bayani.

Ito ayon kay Colmenares ay batay sa Republic Act 289.

Inulit din ni Justice Perez ang puna ni Associate Justice Teresita De Castro kaugnay ng kawalan ng sistema at partikular na tanggapan na tutukoy kung sino ang maaring ideklarang bayani.

Kung sovereign will ang pag-uusapan, hindi raw ba maituturing na ang pagkapanalo ni Pangulong Duterte sa eleksyon ay pagsang-ayon na rin ng mga botante na maihimlay si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Sinabi ni Colmenares na isinasakatuparan lamang ni Duterte ang kanyang naging election promise o pangako nuong eleksyon kaugnay sa isyu ng Marcos burial.

Tinanong din ni Justice Perez si Colmenares kung maituturing na grave abuse of discretion ang pagsasakatuparan ni Duterte sa kanyang pangako noong eleksyon lalo pa’t maari ding ipagpalagay na ang pagkapanalo ni Duterte ay nangangahulugan na ipinauubaya na sa kanya ng mamamayan ang isyu ng pagpapalibing kay Marcos?

Sabi ni Colminares, ang pangunahing batayan naman ng Korte Suprema sa pagdedesisyon ay hindi ang resulta ng eleksyon kundi kung ano ang itinatakda ng batas.

TAGS: colmenares, Marcos, SC, colmenares, Marcos, SC

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.