Mga petisyon laban sa heroes burial kay Marcos, tinalakay na sa oral argument ng SC
Nagsimula na ang oral argument sa Korte Suprema kaugnay sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sa kanyang opening statement sa oral argument sinabi ng isa sa petitioner na si Albay Represntative Edcel Lagman na ang paglilibing kay Marcos ay maggo-glorify sa dating diktador na lumabag sa karapatang pantao ng mga mamamayang Filipino sa loob ng dalawampung taon.
Sinabi ni Lagman na wawasakin ng paglilibing kay Marcos ang ating kasaysayan at lalo lamang magpapalala sa mga nararamdamang sakit ng mga biktima ng Martial Law.
Dahil dito, hinikayat ni Lagman na siyang kumakatawan sa pamilya ng mga desaparasido ang Supreme Court na pigilan ang anya ay “national tragedy” kung maililibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani mula sa Ilocos Sur.
Nagbabala naman ng masamang epekto sa karapatan at interes ng mga biktima ng diktaduryang Marcos sakaling matuloy ang Marcos hero’s burial si Atty. Ephraim Cortez.
Ayon naman kay Commission on Human Rights for Autonomous Region in Muslim Mindanao Director Algamar Latiph dumanas ng labis na paghihirap ang mga kababayan nating Muslim sa panahon ng diktaduryang Marcos.
Iginiit ni Latiph na dapat panatilihin ang pagiging sagrado ng Libingan ng mga Bayani at ang paglilibing kay Marcos sa nasabing lugar ay lalabag sa karapatan ng mga Martial Law victims sa ilalim ng Reparation Law at International Law.
Samantala, nagsagawa naman ng kilos protesta ang mga kontra at pabor sa Marcos Burial sa labas ng Supreme Court sa Padre Paura Maynila kung saan bantay sarado naman sila ng mga tauhan ng Manila Police District.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.