PNP, inatasan ni Pangulong Duterte na huwag ipatupad ang arrest warrant vs Nur Misuari
Direkta nang inatasan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine National Police (PNP) na huwag iimplementa ang warrant of arrest laban kay Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari.
Sa panayam sa pangulo sa Ninoy Aquino International Airport terminal 2, sinabi nito na ito ay para lumantad na si Misuari at tuluyan nang maisulong ang usaping pangkapayapaan.
Si Misuari ay may kinakaharap na warrant of arrest dahil sa kasong rebelyon bunsod ng paglulunsad ng Zamboanga siege ilang taon na ang nakararaan.
Kasabay nito, sinabi ng pangulo na nakahanda siyang harapin si Misuari saang mang lugar na nanaisin nito.
Ayon sa pangulo, nais daw kasi ni Misuari na mag-usap sila sa Kuala Lumpur sa harap ng Organization of Islamic Country.
Dagdag ng pangulo, kung hindi man sa Kuala Lumpur, nakahanda rin siya na magtungo sa Jolo o sa Davao para lamang makausap si Misuari.
Kung hindi pa rin aniya uubra ang mga nabanggit na lugar, maari naman niyang imbitahin si Misuari sa malakanyang para makapag-usap sila sa “bahay pagbabago”.
Ayon sa pangulo, may dalawang kwarto sa bahay pagbabago at maaring manatili roon si Misuari.
Sinabi rin ni Pangulong Duterte na binanggit na niya noon pa na wala syang intension na ipakulong ang MNLF leader.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.