Nakatakdang maglabas at mag-apruba ang Senado at Kamara ng isang joint resolution para i-reset ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections.
Ayon kay House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairman Sherwin Tugna, ito ang napagkasunduan ng mga mambabatas, sa gitna ng kabi-kabilang panukalang ipagpaliban ang halalang pambarangay at SK, na nakatakdang isagawa sa October 31, 2016.
Pareho rin aniya ang posisyon ng Mataas at Mababang Kapulungan na pabor sa postponement ng Barangay at SK elections, bukod pa sa mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay naghayag na rin na ipagpaliban na ang nabanggit na botohan.
Ikinalugod naman ni Tugna, maging ni House Deputy Speaker Fredenil Castro ang pasya ng Commission on Elections o Comelec na suspendihin muna ang pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa Barangay at SK polls.
Anila, praktikal ang ginawa ng komisyon na ihinto pansamantala ang ballot printing.
Dagdag ni Castro, masasayang lamang ang pera, oras at paghahanda para sa nasabing eleksyon na siguradong ipo-postpone.
Nauna nang inanunsyo ng Comele na itinigil muna ang pag-imprenta ng 85 milyong balota sa National Printing Office noong Biyernes, makaraang sabihin ni Presidente Duterte na sang-ayon siya sa postponement ng halalan.