P4.7-B na benepisyo para sa mga war vets, ipinamamahagi na ni Duterte
Iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalabas ng P4.7 billion na hindi pa nababayarang benepisyo para sa mga beteranong sundalo at mga naiwan nilang pamilya.
Itinaon pa ng pangulo ang pag-anunsyo ng kaniyang kautusan sa mismong pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani.
Una nang inaprubahan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapamahagi ng mga cash benefits ngunit naantala ito dahil sa election ban.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang P3.5 billion na bahagi ng pondo na para sa Total Administrative Liability (TAD) ay ipapamahagi sa mga war veterans at kanilang mga asawa, habang ang P1.2 billion naman ay para sa mga retired military officers.
Tiniyak pa ni Duterte na mailalabas na ang pondong ito, “as soon as possible.”
Pinasalamatan rin ng pangulo sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at Budget Sec. Benjamin Diokno sa paglagda sa joint implementing rules and regulations (IRR) para sa pamamahagi ng pondo.
Aniya pa, malaki ang pasasalamat niya na tinanggap ni Diokno ang kaniyang alok na maging bahagi ng Gabinete dahil ito na aniya ang “best ever budget secretary.”
Ayon sa batas, bawat benipisyaryo ay dapat na makatanggap ng P1,700 na buwanang allowance oras na tumuntong sila sa edad 70 simula noong April 9, 1994.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.