Mag-asawang Odicta, walang ikinantang drug personalities at wala ring isinumiteng drug matrix sa DILG at CIDG
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Philippine National Police sa region 6 sa pagpatay sa mag-asawang Melvin at Meriam Odicta na sinasabing mga drug financiers mula Iloilo.
Ayon kay PNP Region 6 Director Chief Supt. Jose Gentiles, isa sa mga anggulong tinitingnan nila sa ngayon ang posibilidad na mismo ang kanilang mga protector at kasabwat sa operasyon ng iligal na droga ang nagpapatay sa mag-asawa sa takot na baka may ikinanta ang mag-asawa nang sila ay magtungo sa Camp Crame noong Huwebes.
Ang mag-asawa ay nagtungo sa Camp Crame para personal na makipagkita kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mike Sueño.
Sa ngayon ayon kay PNP spokesperson Dionardo Carlos, sa ngayon, ang Malay PNP at Aklan Police Provincial Office ang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso.
Kaugnay nito itinanggi naman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may mga ibinunyag na pangalan ng mga personalidad na sangkot sa droga ang mag-asawang Odicta.
Hindi rin umano totoo na nagsumite ang dalawa ng sariling bersyon nila ng drug matrix.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi rin ni Atty. Gualberto Cataluña, abogado ng mag-asawa na hindi nagsumite ng drug matrix ang mag-asawa nang makipag-usap sila kay Sueño.
Kasama si Cataluña ng mag-asawang Odicta nang magtungo sila sa Camp Crame noong Huwebes.
Panayam kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Dionardo Carlos kaugnay sa pagpatay sa mag-asawang Odicta | @iamruelperez pic.twitter.com/RMrJII87hV
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) August 29, 2016
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.