Buhay pa umano si Melvin Odicta Sr., nang ito ay datnan ng kaniyang abogado sa Caticlan kaninang madaling araw.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Atty. Gualberto Cataluña, nasa Caticlan siya Lunes ng madaling araw, para sunduin ang mag-asawang Melvin at Meriam Odicta na dumating doon sakay ng RoRo.
Kwento ni Cataluña na isa sa mga abogado ng mga Odicta, pagbabang-pagbaba ng mag-asawa ay agad silang pinagbabaril.
Si Meriam umano ang napuruhan at agad nasawi, habang si Melvin Sr., ay nagawa pang makatawag kay Cataluña sa telepono para ipabatid ang nangyari.
Nang mga panahon na iyon, nasa labas ng Caticlan port si Cataluña at hindi na umano sila pinapasok ng mga otoridad dahil kinordon na ang lugar.
Pero ayon kay Cataluña, tanaw niya ang mga nangyayari sa loob at nakita pa niya si Melvin Sr., na nakatayo at nakaposas kahit may tama ng bala ng baril sa kaniyang paa.
“nasa Caticlan kami kaninang madaling araw para sana sunduin sila. Pagbabang-pagbaba nila sa barko, doon na binaril silang mag-asawa, yung asawa na si Meriam ang napuruhan talaga agad, si Melvin Odicta Sr. hindi siya agad napuruhan, nakatawag pa nga siya sa akin
nakita pa namin si Melvin na nakatayo, nakaposas siya, tapos dinala siya sa ospital,” ayon kay Cataluña.
Ani Cataluña, kapwa dinala sa ospital ang ma-asawa at nang sumunod siya sa pagamutan, nagulat siya na parehong idinekalarang dead on arrival ang mag-asawang Odicta.
Sinabi ni Cataluña na inabisuhan na niya noon si Odicta Sr., na huwag na lamang muna lumuwas ng Metro Manila dahil delikado ito para sa kanilang buhay.
Maging ang pamilya Odicta aniya ay ramdam nang hindi sila ligtas matapos silang tukuyin na sangkot at namumuno sa drug trade sa Iloilo.