Angel Manalo, inilantad ang katiwalian sa INC

July 24, 2015 - 06:57 AM

Edited
Photos via MJ Cayabyab and Jong Manlapaz

Walang hostage situation, ngunit binigyang diin ang akusasyon ng katiwalian.

Itinanggi ni Felix Nathaniel “Angel” Villanueva Manalo, kilala sa tawag na Ka Angel at kapatid ni Iglesia ni Cristo Executive Minister Eduardo Manalo na sila ay hostage sa sarili nilang tahanan sa Tandang Sora Quezon City.

Humarap si Ka Angel sa media kaninang madaling araw at sinabing may bata na nagpaskil ng papel sa bintana kung saan nakasulat na sila ay hostage.”I did not say that we were held hostage. Mayroon lang pong batang nagbibiro,” ayon kay Manalo.

Itinanggi man na sila ay hostage sa kanilang sariling tahanan, isiniwalat naman ng nakababatang kapatid ng INC Executive Minister ang anya ay talamak na katiwalian sa naturang religious organization. “Nauubos na ang abuloy ng mga kapatid sa Iglesia at napupunta sa mga bagay na hindi dapat na gastusan,” bulalas pa ni Ka Angel.

Tinanong si Ka Angel ng media kung kasama ang Philippine Arena sa Bulacan sa mga tinutukoy niya na hindi dapat pinagkagastusan. “Oo, kasama ang Philippine Arena,” sagot ni Ka Angel.

Sa pagharap ni Ka Angel sa media ay hinikayat din niya ang mga miyembro ng INC na magtungo sa kanilang tahanan sa Tandang Sora at magtipun-tipon doon.

Ito ay para anya makapaghatid ng mensahe sa pamunuan ng INC sa nararanasang krisis sa liderato nito.”Maari sanang manawagan sa lahat ng ministro at manggagawa. Nakikiusap po ako na manindigan po tayo. ‘Wag tayong matakot. Kung maari sana pumunta tayo. Mag-vigil tayo dito para makapagbigay ng strong statement,” dagdag pa ni Manalo.

Binanggit din nito ang pagkawala ng mga ministrong hayagang tumututol sa katiwalian sa INC.

Binigyang diin ni Ka Angel na hindi paglaban sa pamamahala ng INC ang kanilang ginagawa. Nagpahayag siya ng pagmamahal sa kanyang kapatid na si Ka Eduardo.

Bago maghatinggabi ng Huwebes nagtungo din sa compound ng mga Manalo si Quezon City Mayor Herbert Bautista at Quezon City Police District Director Chief Supt. Joel Pagdilao.

Mahigit isang oras ding nakipag-usap si Pagdilao kina Cristina “Tenny” Villanueva Manalo at kay Ka Angel. “Walang naviolate sa kanila. Hindi sila nasaktan sa loob,” sinabi ni Pagdilao.

Si Ka Angel at ang kanyang inang si Tenny, at iba pang mga kapatid ng Executive Minister ay itiniwalag kahapon dahil umano sa hindi pagsunod sa pamamahala sa INC.

Sa media, sinabi ni Edwil Zabala na ang paglaban sa pamamahala ang ugat ng pagtiwalag sa ina at mga kapatid ng Executive Minister ng INC. “May agenda, may agenda sila at siyempre nalulungkot kami dahil nagbibintang sila ng kasinungalingan at lumalaban sa pamamahala sa Iglesia,” banggit pa ni Zabala.

Nananatili sa compound ng Iglesia ang mga itiniwalag na mag-iinang Manalo./Gina Salcedo, Dona Dominguez-Cargullo

TAGS: angel manalo, INC, angel manalo, INC

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.