MMDA, humingi na ng tulong sa DMCI para solusyunan ang trapik sa Marcos Highway
Upang maibsan ang malubhang daloy ng trapiko sa Marcos Highway, humingi na ng tulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga tauhan ng kumpanyang nagsasagawa ng LRT-2 extension project.
Kasunod ng pagbuo ng Interagency Committee on Traffic Management (IACT), sinabi ni MMDA General Manager Thomas Orbos na ipapakalat nila ang mga DMCI traffic personnel para makatulong na ayusin ang problema ng trapiko sa kalsadang bumabagtas sa Marikina, Pasig at Antipolo.
Ito aniya ang naisip nilang paraan bukod sa pagkakaroon ng rerouting plan.
Maliban kasi sa LRT-2 extension project mula sa Ligaya sa Pasig City hanggang Masinag sa Antipolo City, nagdudulot rin ng mabigat na trapiko ang ginagawang kalsada sa Brgy. Mayamot sa Antipolo, ang dami ng mga sasakyan at pati na ang kawalan ng disiplina ng mga motorista.
Maglalagay na rin ang MMDA ng anim na CCTV cameras sa kahabaan ng Marcos Highway upang mabantayan ang sitwasyon ng trapiko.
Inanunsyo na rin ng MMDA ang sumusunod na rerouting scheme:
– Para sa mga motorista mula Cubao/Katipunan papuntang Antipolo: dumaan sa Aurora Boulevard, kumanan sa Katipunan, C.P. Garcia Avenue (C5), kaliwa sa Ortigas Ave. Extension papunta sa destinasyon at vice versa;
– Sa mga galing Cubao/Katipunan patungong Antipolo, dumaan sa A. Bonifacio Avenue (patungong Marikina City), diretso sa Sumulong Highway papunta sa destinasyon at vice versa;
– Sa mga galing Antipolo patungong Quezon City, dumaan sa Ortigas Ave. Extension, kaliwa sa Kaytikling patungong Taytay Palengke, East Bank Service road, kaliwa sa Legaspi Brisge, at kaliwa ulit sa C. Raymundo patungo sa destinasyon at vice versa;
– Sa mga galing Cainta, Rizal papuntang C-5, Quezon City mula Felix Avenue kumaliwa sa Kaginhawaan Street/Magsaysay Street, kumanan sa Amang Rodriguez Avenue, kaliwa sa Calle Industriya patungong C.P. Garcia (C5) patungo sa destinasyon at vice versa;
– Sa mga galing Cainta, Rizal via Valley Golf papuntang Cubao, Quezon Cirty mula Ortigas Avenue kumaliwa sa Don Celso Tuazon Avenue, at bagtasin ang Sumulong Highway patungo sa inyong destinasyon at vice versa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.