Bumisita si Sen. Leila de Lima sa burol ng limang taong gulang na batang babae na napatay noong nakaraang linggo ng isang suspek na hinihinalang tumatarget sa lolo ng bata.
Dumating si De Lima alas-5 ng hapon sa lamay ng batang si Danica Mae Garcia sa Dagupan City sa Pangasinan, at nanatili doon ng nasa 10 minuto.
Ayon sa lola ni Danica na si Gemma Garcia, nagdasal si De Lima sa harap ng kabaong ng bata, at nagtanong sa kaniya ng mga detalye kung ano ang nangyari noong araw na nasawi ito.
Nang humingi aniya si Gemma ng tulong kay De Lima para makamit ang hustisya para sa kaniyang apo, tiniyak ng senadora na tutulong siya.
Tumanggi ring magpakuha ng litrato si De Lima sa mga miyembro ng pamilya at kanilang mga kapitbahay, at hindi rin ito nagpaunlak ng panayam sa media.
Si De Lima ay sinamahan ng mga pulis mula sa community precinct ng Mayombo, na barangay kung saan naninirahan ang mga Garcia.
Samantala, ang asawa naman ni Gemma na si Maximo na umano’y target ng suspek ay ginagamot pa rin matapos siyang magtamo ng mga sugat mula sa tama ng bala.
Apat na araw bago ang pag-atakeng naganap sa pamilya ay sumuko si Maximo sa mga pulis upang malinis ang kaniyang pangalan matapos itong madawit sa drug list ng pulisya.