Mga nakatakas na preso sa Lanao del Sur, pinangalanan na
Inilabas na ng Philippine National Police (PNP) ang listahan ng pangalan ng mga presong nakatakas nang salakayin ng teroristang grupo ang isang piitan sa Lanao del Sur.
Naganap ang nasabing jailbreak Sabado ng alas-5:30 ng hapon nang sumugod ang mga kalalakihang armado ng mga rocket-propelled grenades (RPGs) para patakasin ang ilang mga preso.
Tinukoy ng pulisya ang mga nakatakas na sina:
– Aiawiya Mimbisa
– Daud Basin
– Saidamiin Matna
– Mauamar Mocsir
– Asnawi M. Manabilang
– Danny Abdul Wahab Tarusan
– PFC Hassy Gamelo
– Cardawi Batugan
– Aradan E. Manabilang
– Rafsan Macaumbos H. Salic
– Alinor Macaundas
– Akil Binong
– Rayafir Dipatuan Alug
Ayon sa memorandum na nagsasaad ng mga nasabing pangalan, nakulong ang mga ito dahil sa iba’t ibang krimen tulad ng pagpatay at pagnanakaw.
Samantala, ayon naman sa mga gwardya sa piitan, sampung minuto lamang ang itinagal ng pagtakas ng teroristang grupo at ng mga preso na kanilang tinangay.
Sa report ng jail officer para sa araw na iyon na si Johary Panaarag, nagsimula ang pag-atake nang dumating ang dalawang babae na nagsabing magdadala sila ng pagkain para sa mga preso dakong alas-5 ng hapon.
Nang payagan nang makapasok ang mga babae, biglang sumalakay ang 50 armadong kalalakihan at pinadapa ang mga jail guards bago maglakad ng nasa 50 metro patungo sa mga selda.
Ayon naman kay Tongco Abdullah na isa ring prison guard, hindi na sila nakalaban dahil ang ilan sa kanila ay nakaposas habang tinakot rin silang papatayin kung sila ay lalaban.
Hinagilap ng mga suspek ang kanilang target na walong hinihinalang miyembro ng Maute group, at saka nila winasak ang mga lock ng mga selda para palayain ang mga preso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.