Dalawampu’t-limang kababaihang mountaineers ang nailigtas ng mga miyembro ng Talisay City Rescue and Disaster Assistance Network (RADIANT) makaraang ma-stranded ang mga ito sa kabundukan sakop ng Bgy. Campuestuhan, Talisay City, Negros Occidental.
Ayon kay Geoffrey Gutierrez, incident commander ng grupo, tumagal ng labing-apat na oras ang rescue operation dahil sa maputik at masukal na terrain.
Una rito, inakyat ng mga female mountaineers na kasapi ng Philippine Women’s Mountaineers ang bundok ngunit dahil sa ulan at putik, isa sa mga ito ang nadulas at nabalian ng buto sa kaliwang hita sa lugar na tinatawag na ‘Kulukabayo’.
Nakilala ang nasaktang mountaineer na si Noreen Grace Cañasa, 33, tubong Cebu City na gamit ang stretcher ay halinhinang binuhat ng mga rescue members pababa sa base camp.
Dakong alas 8:30 na ng Linggo ng umaga, ganap na naibaba sa base camp ang mga nailigtas na mga kababaihang mountaineers.